Hunyo 12, Sa Kulungan
i
ang paroo’t parito
ay wala pang limang metro.
maswerte na ri’t medyo
malaki ang bintana.
mula rito,
napagmamasdan ko
kung gaano kabilis
tumubo ang sitaw
kapag merong abono.
ang buong maghapon
ay isang kahang sigarilyo.
sa pagitan ng mga buga,
may mga salitang binubuno.
kailangan kong magbasa
kailangan kong magsulat
kailangan kong makinig
sa mga salita, salita,
salitang hindi maubos,
hindi masaid.
ii
kailangan kong alisin
ang aking utak
mula sa aking ulo.
kailangan kong hanapin
ang mga salita
at tirisin sila,
parang kuto.
kailan titigil ang mga salita
sa pagsipsip
ng aking dugo?
huwag na sana.
kahit kailan.
hahayaan ko pa nga
na ito’y tumulo, tumulo:
masaganang dugo
masaganang dugo
mula sa aking bungo
mula sa aking bungo
iii
narito ba ako
para matikman ang sitaw?
masarap siguro ito
lalo’t kung inadobo.
bukas, nilagang itlog ulit
ang almusal.
kaya nga kailangan,
kailangan kong magbasa
kailangan kong magsulat
kailangan kong makinig
sa mga salita, salita
salitang humihinga
sa loob (at sa labas!)
ng kinakalawang na rehas.
iv
ang paroo’t parito
ay walang hanggahan
para sa mga salita,
salita, salitang lumilikha
salita, salita,
salita, salita,
salita, SALITA!
samantala,
tinataktak ko ang maghapon
sa isang lata.
dinurugtungan
ng munting baga
ang aking hininga.
Notes:
This poem is part of the folio “Broken Lines: A Gathering of Exiled Poets,” curated by Laura Kraftowitz and Edward Salem. Read the rest of the folio in the July/August 2026 issue of Poetry.
Source: Poetry (July/August 2026)


